Tuesday, September 15, 2015

Coke

Pinatay mo ko nang minsan mong sabihing sawa ka na sa ginagawa natin.

Bumaba ako ng hagdan, nagpunta sa ref, kumuha ng coke. Sumitsit lahat ng inipon nating lakas, kasama ng pag-tssss ng espirito ng softdrinks na parang nagbubuntung-hininga matapos ang mahabang pagtitiis. Umupo ka sa sulok, humalukipkip, dumekwatro at tumingala. Bliss. Ansarap mong kunan ng B&W 120 at iprocess sa utak kong punung-puno na rin naman ng chemical imbalances.

"Coke?"
"Hindi ako nagco-coke"

Sabi nga ni Zizek minsan, sa consumer society gusto natin ng coke minus the calories. In short, gusto natin ng reward without the risk. Hindi naman ata reward yong maituturing, kundi kahibangan at pagbabalat-kayo. Kahibangan dahil minsan nating inisip na magiging masaya tayo sa petiks na pakikitungo. Pagbabalat-kayo dahil minsan nating pinagtakpan ang kalungkutang dulot ng di-pagtamasa ng ganap na kaligayahan. Buong-buo sana nating nalalasap and bawat sandali--kung di mo lang ibabawas ang calories, kung di mo lang i-co-compartmentalize ang risk sa reward. Pero pinili mo to, pinili natin to: pahapyaw, patago, pa-joke at pawala na nang pawala.

Dumukot ka ng rubber band sa bulsa, tinali ang buhok at nagpalatak.

"Wala na kong yosi. Bili lang ako sa kanto"
"Anukaba, di ka na nag-ingat"
"Pakialam mo?"

Bibili ka nanaman ng yosi sa kanto, code for may itetext ka lang saglit nang hindi ipapaalam sakin. Hindi ako pinanganak kahapon. O kung kahapon nga naman, sana man lang nagbitbit ka na rin ng keyk para hindi ko man lang nahalata ang pagpapanggap mo. Huwag masyadong tahasan ang kamanhiran. Nakakamamatay ang talas ng pakikipagtalastasan. Lalong lalo na kung kahahasa lang ng matalim na dilang bihasa sa pamumukol ng mga mapang-uyam na salita. Buti pa ang Instagram may filter, ikaw wala.

Buti pa ang yosi mo, nauupos nalang bigla pag sukdulan mo nang nagamit. Buti pa ang panali mo, bumibigay nalang pag nasobrahan na sa kabibigkis. Kung sinusukuan ka ng mga bagay na walang sariling pagkukusang sumuko, bat ako hindi ko magawa?

Dahil minsan mong nilingkis ang mga daliri mo sakin, nang mag-usap tayo tungkol sa mga balak natin habang nakahiga sa papag ng lola mong kamamatay lang. Minsan mo kong dinantayan habang binubulong sa mumunti kong tainga kung paanong magwawakas ang mundo at wala na tayong magagawa kundi maglaho sa isa't isa. Minsan mo kong niyakap ng mahigpit, hinalikan sa noo, sa pisngi, sa labi at sa rurok ng kamalayan hinayaan nga nating maglaho ang ating mga sarili sa isa't isa. At minsan mo rin akong niyapos ng pagkahigpit-higpit at pinatawa nang pinatawa hanggan sa malimutan ko kung bat ko pa naisipang uminom ng Bagyon.

Minsan ko ring naisip na may dalawang uri ng tao sa mundo: ang tanga, at ang bobo. Ang bobo, hindi nila alam ang dapat sanang alam na nila. Ang tanga, alam na nga nila, hindi pa nila naisip. Hindi ko lang mawari kung nung minsan kong makita sa mata mong naglaho na ang lahat ng pinagsamahan natin e kung alin ako sa dalawa: tanga o bobo? Malamang sa malamang, ako ang tanga dahil alam ko nang wala namang patutunguhan e hindi ko pa naisip. Ikaw ang bobo dahil hindi mo alam na natatanga ako sayo.

"Sige go bili ka na"

Tumayo ka, nangapa ng barya, kinuha ang cellphone at lumabas nang pinto nang hindi lumilingon. Kapag naubos ko ang coke at hindi ka pa bumabalik, lalabas din ako ng pinto, tatalilis at sisiguraduhing wala ka nang aabutan pagbalik.

Hindi ko kailangan ang reward kung ako lang ang umiinom ng coke with calories. Hindi ko kailangang magtiis sa consumer society set-up natin kung ako lang ang willing mag-take ng risk.  

Friday, August 21, 2015

Taghoy

Matimyas na awit sa saliw ng pag-ibig
Ang minsan mang ihambing sa pag-agos ng batis
Sa balintataw ng banyagang pagpapalawig ng isip
Na minsan nang hinambing sa pagpapasakit niyang hilig

Marikit na binbin ng takip-silim
Ang lihim na paggiliw kalakip ng 'sang sining
Sinikap sambitin ng nagpupuyos kong damdamin
Sa pangungulila niring lumilitmot mong butihin

Apuhapin man ng diwa ang yaring pagkandili
Di sukat maglalaho sa sariling paggiit
Hinamak na pagsuyong minsan lamang lumapit
Ay kutya ang sinapit sa marubdob mong pagkait

Tukuyin man sa langit ang iilang bituin
Di sukat maglaho sa liwanag ng dilim
Nang minsan ding hamakin ng tadhanang siniil
Kung bakit ang sinapit mo'y siya kong ikakikitil

Hamunin ma't himukin ang mga dakilang uri
Ang diyos-diyosa't bathala sa lupon ng mga sinikil
Hinding-hindi matatahan ang taghoy nyaring gabi
Nang minsan kang mamaalam sa iyong pagsilbi

Matimyas na awit sa saliw ng pag-ibig
Ang minsan mang ihambing sa agos ng tubig
Hamunin ang tadhana't tangkiliking ibalik
Ang wakas na tinamasa ng pagsisimula natin



Saturday, July 25, 2015

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

ni Gat Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita’t buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan ito’y namamasid.

Banal na Pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat na puso ng sino’t alinman,
Imbi’t taong-gubat, maralita’t mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat;
Umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
Kalakhan din niya’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Alin ito na sakdal nang laki
Na hinahandugan ng buong pagkasi?
Na sa lalong mahal nakapangyayari
At ginugugulan ng buhay na iwi?

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
Siya’y ina’t tangi na kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanag ng araw
Na nagbigay-init sa lunong katawan.

Sa kaniya’y utang ang unang pagtanggap
Ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas
Sa inis na puso na sisinghap-singhap
Sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
Mula sa masaya’t gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa’y mapasalibingan.

Ang nangakaraang panahon ng aliw,
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa Bayan saan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
Ng parang n’ya’t gubat na kaaya-aya,
Sukat ang makita’t sasaalaala
Ang ina’t ang giliw, lumipas na saya.

Tubig n’yang malinaw na anaki’y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos,
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot.

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala’t inaasam-asam
Kundi ang makita’y lupang tinubuan.

Pati ng magdusa’t sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
At lalong maghirap, O! himalang bagay,
Lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang Bayang ito’y nasasapanganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid
Isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Dapwat kung ang bayan ng Katagalugan
Ay nilapastangan at niyuyurakan
Katuwiran, puri niya’t kamahalan
Ng sama ng lilong taga-ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghinay-hinay
Sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
Kung wala ding iba na kasasadlakan
Kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon n’ya’t pagkabusabos
Sa lusak ng saya’t tunay na pag-ayop,
Supil ng panghampas, tanikalang gapos
At luha na lamang ang pinaaagos?

Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
Na di aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
Ang hindi gumugol ng dugo at buhay.

Mangyayari kaya na ito’y masulyap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam sa Kastilang hamak?

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito’y mapanuod?

Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
Sa pag-asang lubos na kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan
Hayo na’t ibigin ang naabang Bayan.

Kayong natuy’an na sa kapapasakit
Ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
Muling pabalungi’t tunay na pag-ibig
Kusang ibulalas sa Bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak,
Kahoy nyaring buhay na nilanta’t sukat
Ng bala-balaki’t makapal na hirap,
Muling manariwa’t sa Baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang napapagal
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango’t Bayan ay itanghal
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging lasap
Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
At hanggang may dugo’y ubusang itigis
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito’y kapalaran at tunay na langit.

Monday, April 27, 2015

Mahal kong Isagani,

Halos apat na taon na ang nakalipas nang huli akong sumulat. Hindi ka na kailanman sumagi sa isip ko. At sa apat na taong iyon, natutunan kong iwaglit nang sandali ang kakayahang magsulat tungkol sa aking mga damdamin. Natuto akong magtago ng saloobin, natuto akong hindi na umapuhap ng mag bagay na hindi naman mapagpapasaya sa akin, sa inaakalang mas magiging masaya ako ng wala ka.

Hindi pala ganon. Ngayon, sa inaakala kong mas kolokyal na ang pananalita, nawala na ang indayog ng mag salita. Lumalagpas na ang mga talinghaga sa mga daliri ko, parang tubig na hindi ko naman talaga inaangkin at hinahayaan nalang umagos ng hindi naiipon. Natuto akong tumanda, dahil ang pagtanda ay natututunan at hindi nangyayari ng kusa. Ang mga bata maaaring tumanda ng hindi inaasahan, at ang matatanda sa edad, maaaring hindi naman tumanda nang kaampatan.

Hanggang sa isang araw, nakita kitang muli. Nasa banyagang bansa, banyaga na ang pananalita, banyaga na rin ang pag-iisip. Nawala na sa puso ko ang pag-ibig sa kinalakhan, ang pag-ibig sa bayan, nanaig nalang ang pag-ibig sa sarili. Nasilaw na ako ng kabanyagahan, ng mga ideyolohiyang kanluranin at patuloy na napapaisip na bakit sa minalas-malas ay ang bansa natin ang hindi nasasaklaw ng gantong uri ng kaginhawaan. Bilog naman ang mundo, at kahit saan ka tumayo, ang lahat ay maaaring maging kanluran. At sa kanluraning pag-iisip, naiwala kita sa aking mga pangarap.

Hanggang sa isang araw, nakita kitang muli. Nakaupo sa ilalim ng dungawan, pasan ang kanluraning pag-iisip ngunit hindi nakakalimot na ang hulma ng bayan ay hindi napupunan ng banyagang ideyolohiyang hindi akma sa hugis nito. Na ang kabataang mulat sa kamunduhan ay maaari paring maging pag-asa ng kasalukuyan at ng hinarap, kung nanaisin lamang ng mga gurong gabayan upang ipatungkol sa tamang paraan ang lahat ng enerhiyang naiipon ng kamunduhang ito. Kung tutuusin, ang kamunduhang ito ay nagdudulot din naman ng maraming posibilidad, ng bagong uri ng talino na maaaring linaning at ipag-ibayo para paunlarin ang bayan at ang sarili. Muli mong pinaalala sa akin na sa apat na taon na inisip ko lamang ang aking sarili ay nandyaan ang tulad mong hindi nakakalimot, hindi nasisilaw, bagkus ay lalong nakasisiguro na ang tunay na kasiyahan ay ang kasiyahan sa paglingkod sa nangangailangan at hindi ang pagsilbi sa mga hari-harian. Nakita kita kung paano mo ginugol ang iyong sarili sa pagpapalawig ng mga kaalamang walang makatatamasa sa kasalukuyan, at sa pagnanais na ibalik ang kaalamang ito upang matamasa na rin ng ibang may kakayahang makapulot ng kabuluhan mula sa kung anong kaya mong ibahagi. Saludo ako sa iyo, kaibigan, at sa lahat ng tulad mong kayang isakripisyo ang kaginhawahan para sa mas malalim na adhikain.

Isa lamang ang hiling ko sa sandaling itong muli kang kumatok at pumasok sa diwa kong nakalimot: iyon ay ang makahanap ka ng kaagapay sa iyong mga adhikain. Hindi nilikha ng Panginoon ang tao upang mapag-isa. Kaya't kung iyong nanaisin, heto't inaalay ko ang aking balikat upang sandalan at nang tuluyan nating pasanin ang mga adhikain at layuning nanaisin mong maisakatuparan. Dahil tulad mo, naisip ko rin na ang nakawawaglit ng lahat ng ganitong mga ideya at layunin sa isipan, sa pagkatao, ay ang kawalan ng karamay-- ang kawalan ng kaakibat at kakampi na sasang-ayon sa aking mga pangarap na kalimitan ay nakakalimot sa sarili at nakaangkla lamang sa kaginhawahan ng iba: ng kabataan, ng pamilya, ng bayan. Pahintulutan mo nawa akong sabayan ka sa iyong mga pagsubok, at sa katuparan ng mga pangarap na walang natatamasa kundi kritisismo at panghihinayang mula sa mapangmatang tao na walang inisip kundi ang makawala, ang mapabuti ang sarili't wala nang iba.

Maraming salamat, kaibigan, sa pagbabalik sa akin sa tamang landasin kung saan ko ninanais mahanap ang aking sarili. Oo, panandalian itong nawala, panandaliang naligaw at nagnais kumawala. Ngunit ang pag-ibig ang laging namamayagpag, pag-ibig ang laging nakakapagpaalala sa mga kaalaman at adhikaing nawaglit man sa isip ay napapaalala parin ng damdamin.

Maraming salamat sa dinulot mong pag-ibig. Hindi ka nag-iisa sa iyong mga sakripisyo.

Walang hanggang pasasalamat,

JS