Tuesday, October 19, 2010

Liham

Mahal kong Isagani,

Maligayang muling pagkikita!

Akalain mo, bagaman may kanya-kanya na tayong landas na tinatahak, nagkatagpo parin tayo sa isang pagkakataong di rin naman nating maaming ating iniwasan. Marami nang pinagbago sating dalawa, malapit na kong magtapos ng kolehiyo-- ikaw siguro may mahusay nang trabaho, malapit nang ikasal, o baka may sarili nang pamilya. Hindi na ko mahilig sa matatalinhagang talastasan (ngunit hindi ko parin maiwasan ang ganitong uri ng pangungusap) at maypagkaderetsahan na kong tumalakay--marahil dahil sa dami ng ating napagdaan na nagpamulat sa akin na mas mainam ang pag-iwas sa labis na paglipad ng kamalayan dahil labis din ang babagsakan nito paglaon.

Kumusta ka na? Antagal ko nang hindi nakabalita sayo. Ni hindi ka na nga sumasagi sa isip ko, gawa ng mas marami na kong pinagkakaabalahan sa ngayon, at marahil ikaw rin. Baka nga hindi mo na rin ako naaalala sa dami ng pinagkakaatupagan mo at sa tagal ng panahon na hindi tayo nagkita. At sa huli nating pagkikitang sinumpaan din nating hindi na tayo makakaalala. Hindi ko na rin inakalang magkikita pa tayo, magkakasama sa ibang punto sa ating buhay kung saan iba ka na at iba na rin ako.

Ngunit sa muli nating pagkikita ay parang binuhay ang mga ala-alang ating natasama, o aking natamasa na ikaw rin ang may dulot. Kay sarap sariwain ng mga pagkakataong taos pa ang paniniwala sa aking mga pangarap, o nangangarap man lang dahil may paniniwala pang lahat ay may kaganapan. Ikaw ang dahilan kung bakit ako nandirito ngayon at nagkakasama tayong muli. Ikaw ang dahilan kung bakit natuto akong mangarap ng matayog, kasintayog ng iyong narating para kahit papaano'y magabot tayo sa ating mga adhikain. At heto na nga tayo sa kaganapan ng aking minsan nang pinangarap. Kay sarap balikan ng panahong inaasam ko palang ang araw na ito.

Sa muli nating pagkikita, nais kong i-alay sayo ang aking mga nakamit, ang aking kakamtin at ang aking gagawin--kahalili ng Diyos na Siyang naging aking dahilan, bunga ng iyong pagiging aking inspirasyon at patuloy na pinapangarap.

Maraming salamat, irog. Hindi man tayo magmahal nang muli, may galak parin sa ating muling pagkikita. Hindi ko inakalang aabot sa ganito ang aking mga pinangarap, at ang ating pagkikita ang naging hudyat.

Para sa mas matayog pang pangarap at sa higit na matayog na pagganap nito!

Taos-pusong nagpapasalamat,
Juli