Nakadungaw tayo sa asotea, ang iyong bisig ang sumasakop sa aking mumunting baywang mula likuran--parang binabakuran ang aking pagkatao, ang aking pagkababaeng sayo lamang nararapat ihandog sa tamang oras. Dinudungaw natin ang Ilog Pasig na may natatanging halimuyak na nagdudulot ng kakaibang alindog sa magkasintahan. Waring nagsasaboy ng libog at pag-ibig ang taglay na lagkit ng hanging hatid ng mapang-akit na tubig. Sa silong ng mga bituin ay ating pinagmumunihan ang kabanalan ng sandali, habang iyong hinahangkan ang aking pisngi at pilit nang-aaliw at naaaliw sa paghuni ng Ave Maria. At habang marahang nakapinid ang aking mga mata, may matimyas na ngiting naglalaro sa aking labi, iginuguhit ko sa aking isipan ang ating pagkakabigkis. Pagkakabigkis na waring nagtatalik sa ating diwa, puso at pag-iisip, nang hindi nababahiran ng anumang kahalayan ang kabanalan ng ating pag-ibig.
'Mi amor, eres tu el fuego en mi alma... y puede morir en el viento.'
Si.Sa udyok na katapatan ng sandali, iyan ang iyong naisagot--
Si.
Naglaho ang sigla sa buo kong katauhan. At ang mahigpit mong pagyapos ang tanging ala-ala ng huli nating sandali.