"Lumingon siya upang tanawing muli ang kanyang bahay, ang bahay na sumaksi sa paglaho ng kanyang mga huling pangarap bilang bata at sa pagkabuo ng kaniyang mga unang guniguni ng pagkadalaga. Ngunit nang mamalas niya itong mapanglaw, nag-iisa, pinabayaan, bahagyang nakapinid ang mga durungawan, walang tao, at madilim na tulad sa mga mata ng isang patay; nang maulinigan niya ang mahinang lawiswis ng mga kawayang umiindayog sa sariwang bugso ng hangin sa umaga na waring bumubulong ng "paalam", napawi ang kaniyang kasiglahan, napahinto, namuo ang luha sa kaniyang mga mata, napaupo sa isang puno na nabuwal sa tabi ng daan, at nanangis siya nang nanangis."