Tuesday, March 22, 2016

Mahal kong Isagani,

Matagal-tagal na rin akong hindi sumusulat, marahil halos isang taon na rin ang nakalipas. Sa nakaraang isang taon, nasabi kong kung paanong minsan kitang natagpuan sa isang lugar na hindi ko inaasahan. At minsan na rin pala kitang natagpuan sa ibang lugar, ibang pagkakataon, ibang pagtao, nang hindi ka nakikilala. Ang pagtatagpo ay hindi nangangahulugan ng pagkakakilanlan. Maaaring dati na tayong nagtagpo, ngunit bago palang tayong nagkakakilala.

Marahil napakarami nang bumabagabag sa isip mo. Hindi ko man maapuhap ang nilalaman ng isip mong 'sing lawig ng kalawakan, minsan ko na ring kinilala ang iilan sa mga bituwing namumugad dito. Hayaan mo't isa isahin ko ang mga konstelasyong binubuo ng iyong pag-iisip, mumunting mga ala-ala at repleksyong minsa'y kusa mong inaalay para aking mabatid, o di kaya nama'y nababatid ko nang kusa mula sa aking sariling pagkukuro. Hayaan mong pagtagpi-tagpiin ko ang pahapyaw na mga pagpapahayag mo ng iyong sarili, hayaan mong ibsan ko ang mga bumabagabag sa iyong isip na kalimita'y nababansagang hindi maarok ng nakararami. Minsa'y nangangailangan lamang ang malalim na pag-iisip, ang diwang masukal at di matunton, ng isang handang bumagtas ng walang pakundangan, ng walang pag-aalinlangan, at hinding hindi kailanman susuko.

Sa katunayan, ila't ilang beses ko mang naising sumuko, naising talikdan ang lahat ng mithiin, paulit-ulit parin akong babalik. Bumabalik sa isip ang nakalipas na isang taong pinamugaran ng mga ala-alang mabibilang man sa daliri ay mariin namang nakabinbin sa damdamin. Minsa'y nanaisin mo pang mamatay nang paulit-ulit sa bawat hapis na dulot ng pagtitiis, kaysa iwaksi ang mga pangako, at mabuhay nang hindi man lang nararanasan ang kaginhawahan ng kamatayan nang dahil sa labis na pagiging tapat.

Minsan ko na ring inisip na talikdan ang rebolusyon, literal man o metaporikal. Minsan ko ring inisip na maging makasarili nalang at hindi piliin ang magputong ng koronang tinik, ipako sa krus nang dahil sa aking mga paniniwala. Ngunit lagi kitang nakikita sa tuwing nanaisin ko nang sumuko. Lagi kitang nakikita sa mga mata ng batang lansangang nagnanais matamasa ang kaginhawahan, hindi ng kamatayan kundi ng kalayaan ng pag-iisip, kalayaan mula sa pang-aapi, kalayaang magkaroon ng kaampatang edukasyon, kalayaan pahalagahan ang sarili. Lagi kitang nakikita sa bawat guro na aking makapanayam, lubos na nagmamakaawang iligtas sila sa pagkakapiit sa sistemang kailanma'y hindi nila ninais mapabilang, kailanma'y hindi ninais paglingkuran ang baluktot nitong pamamalakad. Nakikita kita sa bawat Pilipinong nangarap na magbago ang kapalaran, sa kamangmangan ng mga botateng niyurakan ang dangal, at bagkos pati ang kakayahang mamili nang tama. Nakikita rin kita sa bawat kumpol ng rosas na wari'y nagsasabing ang pag-ibig na hindi sinusukuan ay ang pag-ibig na dakila, sariwa, at may halimuyak na iniiwan sa mga kamay na lumugas dito, tulad ng bilin ni Ka Amado. Kung san man makita ang mga rosas, kahit man sa putikan, ay babalik at babalik ang kagustuhan at ang katapatang maglingkod, nang makamtan ang kalayaang pag-uusbungan ng libo-libong rosas--sariwa, buhay, at malayang magpahayag ng pag-ibig.

Marami pang kailangang gawin, marami pang kailangang baguhin at isakatuparan. Mas mainam ding isiping unahin ang bayan kaysa sa sarili, unahin ang pag-ibig na magpapanumbalik sa kamalayan at katauhan ng sambayanan, kaysa sa pag-ibig na magbubuklod ng dadalawang tao lamang. Ngunit hayaan mong sa iilang salita, sa iisang liham, ay mabuhay ang munting ala-ala't pangarap. Na sa kabila ng lahat ng adhikaing nais nating makamit, hinayaan tayo ng mundong magtagpo, magbagtas ang landas, magkaroon ng iisang mithiin, at bigyang lakas ang bawa't isa, lalung lalo na sa mga panahong napanghihinaan tayo ng loob.

Sana sa dulo'y ikaw parin ang karamay at kasama, kung mamarapatin mo lamang tuparin ang pangakong hinding hindi mo ako iiwan sa landas patungong tagumpay.

Humayo ka't mabuhay, lagi kitang baon kahit san man ako magtungo: sa puso, sa isip, sa salita, at sa gawa.

J