Wednesday, July 27, 2011

Mahal kong Isagani,

Mahaba na pala ang buhok mo. Naaalala ko dati hilig kong suklayin yan gamit ang mga daliri ko. May iba na sigurong gumagawa non ngayon.

JPS

Friday, July 15, 2011

Mahal kong Isagani,

Matagal-tagal na rin akong hindi nakakasulat. Napakaraming bagay na ang kumakain sa aking oras. Ni hindi na maapuhap ng diwa ko kung pano siya tatakbo sa napakaiiksing mga sandaling may kalayaan siyang mag-isip. Napakaraming ninanais kung patungkol sa pagpapalawig ng sandali: hatakin pahaba ang mga araw, pabagalin ang takbo ng panahon, ibalik ang mga lumipas nang oras upang mas makapamasyal ang isip ng walang panghihinayang.

Kumusta na, kaibigan? Kung ako ang tatanungin mo, marahil alam mo na ang sagot. At marahil alam ko na rin ang sagot sa sarili kong tanong. Marahil, napakaraming marahil, walang katiyakan sa anumang kalagayan. Minsan ko nang sinabing para tayong humaharap sa salamin, inaakalang ang nasa harapan natin ay ang ating sarili--kung paano tayo sa kasalukuyan, replika ng kabuuan ng ating pagkatao. Ngunit ang salamin ay isa lamang patag na may angking sapat na kinis upang ibatong muli ang anyo ng anumang nasa harapan nito, isang patag--walang lalim at walang dimensyon. Opinion ng tumatanaw ang kaharap niya sa salamin at hindi isang payak na elementong may aking sariling anyo't buhay. Ang sariling repleksyon ay isang opinyon. Kung gayo'y hindi nagsisinungaling ang salamin, nagkakaroon lang ng taliwas na pagtanaw dito. At gusto ko lang namang malaman kung kamusta na ang iyong kalagayan dahil ayokong umasa sa interpretasyon ng isang repleksyon tulad ng nakagawian.

Bigla nga pala akong napasulat dahil naalala kita sa isang kwentong mitolohiya. Palagi naman talaga kitang naaalala. Bawat mumunting bagay nagpapaalala sa akin tungkol sa iyo. Minsan parang gusto ko nalang ipalagari ang utak ko, tanggalin ang bahagi kung saan ka namumugad. Ngunit naisip kong mangyari mang lagariin ang utak ko ay hindi na nila magagawang tapyasin ang bahagi sa puso kong napamahayan mo na rin. Parang pelikula, paulit-ulit umaandar sa isip ko ang lahat ng ating pinagsamahan; bawat eksena pinagmumunihan, iniisip kung saan ako nagkamali, kung saan ka nagkamali, at kung ano mismo ang pagkakamali natin. Iniisip ko din, paano kung ganyan o paano kung ganito nalang? Paano kung maulit ang pagkakataon at baguhin natin ang ating mga piniling maganap, magbago din kaya ang ating kalagayan sa ngayon? Kung tutuusin, ang katagang 'paano kung' ay isa sa mga iilang linyang tiyak na papatay sa kaluluwa, o kundiman sa katinuan ng isang nilalang. At sa minalas-malas ay iyang katagang yan ang madalas tumatakbo sa aking isipan.

Bumalik tayo sa mitolohiyang aking nabanggit, ang mitolohiyang para ring sumasalamin sa lahat ng atin binabalikan. At ito ay ang Orfeo at Euridice. Mula sa pagkamatay ng kanilang kaluluwa, nangako silang sabay aahon ng hindi lumilingon sa pinanggalingang kamatayan. Aahon nang aahon nang aahon hanggang tumapak sa lupa at maaninag ang liwanag. Ngunit ng dahil sa isang pagkakamali, naglaho ang lahat. Naglaho ang magkalingkis na kamay ng dalawang magsing-irog. Naglaho ang sinisintang karamay sa pagahon. Naglaho ang pangarap ng kaginhawaan sa piling ng isa't isa. Naglaho ang adhikan, ang dahilan sa pagtahak tungong kaliwanagan. Naglaho ang kumakapit, ang kinakapitan. Dahil sa isang pagkakamali, naglaho ang saysay ng lahat ng paghihirap.

Ano nga ba ang kamaliang naganap, kamaliang ang kapalit ay tuluyang paglaho ng minamahal? Lumingon nga ba si Orfeo sa pagnanais na tulungang maiahon ang minamahal? Labis ba ang takot ni Orfeo na baka wala na pala siyang kinakapitan? O baka dahil naginhawaan na si Orfeo sa pagtungtong sa liwanag ng lupa ay nawaglit na sa kanyang isipang ang karamay nga pala'y lugmok parin sa kailaliman ng lupa at may kakaunti pang hakbang na tatahakin kaya't hindi pa dapat lingunin? Aling kamalian ang gumuho sa lahat ng pangako? Saan nagkamali ang magsing-irog at di na nabigyang kabuhayan ang dakila sana nilang pag-ibig. Sinadya din kaya ni Orfeong lingunin ang mahal dahil hindi pa siya handang akayin ito hanggang sa liwanag? Kawawang Euridice--ang nagbayad sa kamalian nang walang pakundangan; hindi man lang nabigyan ng pagkakataong itakda ang sarili, hindi man lang nabigyan ng pagkakataong maging masayang muli.

Marahil sa lahat ng naganap, isang tanong lang ang tumakbo sa isip ni Euridice: Bakit lumingon ang kanyang mahal at hinayaan siyang maglaho ng ganun na lamang? Siya na nagbayad sa kamaliang hindi naman siya ang may gawa, may karapatang malaman kung bakit siya ang pumapasan sa parusang pinataw sa kanila, kung bakit siya ang namamatay habang ang isa'y nabubuhay sa liwanag.

Kunsabagay isa lang din naman itong pananalamin. Opinyon lang at wala nang ibang hangarin.

Lagi lang talaga kita naiisip.

JPS

Sunday, April 17, 2011

Thesis

New Philosophy:

The point of all art is to express love.

--Wow revelation! I shall expound on that.

Tuesday, March 29, 2011

Ang Limang Paraan Upang Maging Masaya

Una
Panatilihing nakapinid ang mga mata
Sa isang buntunghininga,
Likumin ang bawat nakagawian tanawin
Langhapin ang bawat natatanging kasangakapan
Na siyang bumubuo sa ala-alang
Unti-unting nagkakaroon ng sariling hugis
Ng sariling kaganapan sa likod ng mga talukap

Ikalawa
Ialay ang mga palad sa langit
Ang mga palad na nagsisilbing tulay
Sa namamayaning kaluluwang walang katahimikang natatamasa
Sa diwang lumalagong patuloy
Lumalagong higit pa sa napapanghawakan ng isip
Nang hindi nakakalimot na ang isip at ang diwa
Ay may magkasalungat na adhikan
Ang isa'y payak, ang isa nama'y mapagpalaya
Piliin ang diwa sa isip at palayaing muli ang kaluluwa
Sa mga palad na nakatingala sa langit
Nagpapasalamat sa sinasalong biyaya
Na iniuukol ng bawat sandali

Ikatlo
Imulat sa halip ang puso, hindi ang mata, hindi ang isip
Ang puso na sa halip na itago ay ibungad
Ibungad sa mapaghusgang madla na parang binibilad
Hindi upang matuyo, kundi upang madiligang muli
Mabuhay nang muli sa paghithit sa kapaligiran
Sa mga kaganapang nagtuturo sa puso
Na ang pag-ibig ay ang bawat pintig
Nagpapangusap sa puso: "labdab labdab"
At ang pasakit ay ang bawat katahimikan sa pagitan nito
Pag-ibig at pasakit, siyang bumubuhay sa pusong
Kung hindi hayaang masiphayo ng kalahatan
Ay mamamatay nang di naaaninag ang tunay nitong kagandahan

Ikaapat
Tumayo nang may pagitan ang bawat binti
Handang salubungin ang agos ng panahon
Nang nagsisikap na hindi bumuwal
Sa lakas ng pagtulak ng tadhana
Sa hampas ng alon ng madamdaming sigwaan
Nang hindi namamaluktot at bukod tanging nangagatwiran
Sa kamalian ng tama na inakala ng karamihan
Ay ang siyang tagapagligtas ng buhay
Buhay ng isang nilalang na kung tutuusi'y isang uri rin ng kamatayan
At kamatayan sa diwang bumubuhay sa damdamin
Bumubuhay sa pangarap
Bumubuhay sa buhay na may naiibang kahulugan
Buhay at Kamatayan
Na sa isang tindig ay nagbabago ang kahulugan
Huwag tumiklop sa abot ng makakaya
At huwag bumitiw sa pinanghahawakang adhikain
Parang maalam na hanging siyang ring nag-aangat
At gumagabay sa pakpak ng naglalayong lumipad

Ikalima
Ngumiti gamit ang puso, gamit ang diwa
Ang katawan at ang kaluluwa
Ngumiti ng buong tapang
Nang buong paninindigan
Na wari ang ngiti ang makapagliligtas sa sangkatauhan
At sa sariling kapalaluan
Na hatid ng sakim na pag-iisip
Kadilimang sing-itim ng kawalan
Na hindi nakukulayan ng isang simpleng kasiyahan--
Ang ngiting makapagbabago ng kaisipan
Na maaring magdulot ng napakaraming kahulugan
Na maaring magdulot ng napakaraming kaliwanagan
Ang ngiting iginagawad sa isang umaasam
Ang ngiting inaalay sa sariling ala-ala
Ang ngiting magpapalaya sa damdaming nangunguyam
Ngiti, maliit na kagawiang nagdudulot ng malaking kaibahan

Una--huminga
Ikalawa--magparaya
Ikatlo--magmahal
Ikaapat--magpakatapang
Ikalima--ngumiti

Ang limang paraan upang maging masaya.