Una
Panatilihing nakapinid ang mga mata
Sa isang buntunghininga,
Likumin ang bawat nakagawian tanawin
Langhapin ang bawat natatanging kasangakapan
Na siyang bumubuo sa ala-alang
Unti-unting nagkakaroon ng sariling hugis
Ng sariling kaganapan sa likod ng mga talukap
Ikalawa
Ialay ang mga palad sa langit
Ang mga palad na nagsisilbing tulay
Sa namamayaning kaluluwang walang katahimikang natatamasa
Sa diwang lumalagong patuloy
Lumalagong higit pa sa napapanghawakan ng isip
Nang hindi nakakalimot na ang isip at ang diwa
Ay may magkasalungat na adhikan
Ang isa'y payak, ang isa nama'y mapagpalaya
Piliin ang diwa sa isip at palayaing muli ang kaluluwa
Sa mga palad na nakatingala sa langit
Nagpapasalamat sa sinasalong biyaya
Na iniuukol ng bawat sandali
Ikatlo
Imulat sa halip ang puso, hindi ang mata, hindi ang isip
Ang puso na sa halip na itago ay ibungad
Ibungad sa mapaghusgang madla na parang binibilad
Hindi upang matuyo, kundi upang madiligang muli
Mabuhay nang muli sa paghithit sa kapaligiran
Sa mga kaganapang nagtuturo sa puso
Na ang pag-ibig ay ang bawat pintig
Nagpapangusap sa puso: "labdab labdab"
At ang pasakit ay ang bawat katahimikan sa pagitan nito
Pag-ibig at pasakit, siyang bumubuhay sa pusong
Kung hindi hayaang masiphayo ng kalahatan
Ay mamamatay nang di naaaninag ang tunay nitong kagandahan
Ikaapat
Tumayo nang may pagitan ang bawat binti
Handang salubungin ang agos ng panahon
Nang nagsisikap na hindi bumuwal
Sa lakas ng pagtulak ng tadhana
Sa hampas ng alon ng madamdaming sigwaan
Nang hindi namamaluktot at bukod tanging nangagatwiran
Sa kamalian ng tama na inakala ng karamihan
Ay ang siyang tagapagligtas ng buhay
Buhay ng isang nilalang na kung tutuusi'y isang uri rin ng kamatayan
At kamatayan sa diwang bumubuhay sa damdamin
Bumubuhay sa pangarap
Bumubuhay sa buhay na may naiibang kahulugan
Buhay at Kamatayan
Na sa isang tindig ay nagbabago ang kahulugan
Huwag tumiklop sa abot ng makakaya
At huwag bumitiw sa pinanghahawakang adhikain
Parang maalam na hanging siyang ring nag-aangat
At gumagabay sa pakpak ng naglalayong lumipad
Ikalima
Ngumiti gamit ang puso, gamit ang diwa
Ang katawan at ang kaluluwa
Ngumiti ng buong tapang
Nang buong paninindigan
Na wari ang ngiti ang makapagliligtas sa sangkatauhan
At sa sariling kapalaluan
Na hatid ng sakim na pag-iisip
Kadilimang sing-itim ng kawalan
Na hindi nakukulayan ng isang simpleng kasiyahan--
Ang ngiting makapagbabago ng kaisipan
Na maaring magdulot ng napakaraming kahulugan
Na maaring magdulot ng napakaraming kaliwanagan
Ang ngiting iginagawad sa isang umaasam
Ang ngiting inaalay sa sariling ala-ala
Ang ngiting magpapalaya sa damdaming nangunguyam
Ngiti, maliit na kagawiang nagdudulot ng malaking kaibahan
Una--huminga
Ikalawa--magparaya
Ikatlo--magmahal
Ikaapat--magpakatapang
Ikalima--ngumiti
Ang limang paraan upang maging masaya.
Tuesday, March 29, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment