Monday, April 27, 2015

Mahal kong Isagani,

Halos apat na taon na ang nakalipas nang huli akong sumulat. Hindi ka na kailanman sumagi sa isip ko. At sa apat na taong iyon, natutunan kong iwaglit nang sandali ang kakayahang magsulat tungkol sa aking mga damdamin. Natuto akong magtago ng saloobin, natuto akong hindi na umapuhap ng mag bagay na hindi naman mapagpapasaya sa akin, sa inaakalang mas magiging masaya ako ng wala ka.

Hindi pala ganon. Ngayon, sa inaakala kong mas kolokyal na ang pananalita, nawala na ang indayog ng mag salita. Lumalagpas na ang mga talinghaga sa mga daliri ko, parang tubig na hindi ko naman talaga inaangkin at hinahayaan nalang umagos ng hindi naiipon. Natuto akong tumanda, dahil ang pagtanda ay natututunan at hindi nangyayari ng kusa. Ang mga bata maaaring tumanda ng hindi inaasahan, at ang matatanda sa edad, maaaring hindi naman tumanda nang kaampatan.

Hanggang sa isang araw, nakita kitang muli. Nasa banyagang bansa, banyaga na ang pananalita, banyaga na rin ang pag-iisip. Nawala na sa puso ko ang pag-ibig sa kinalakhan, ang pag-ibig sa bayan, nanaig nalang ang pag-ibig sa sarili. Nasilaw na ako ng kabanyagahan, ng mga ideyolohiyang kanluranin at patuloy na napapaisip na bakit sa minalas-malas ay ang bansa natin ang hindi nasasaklaw ng gantong uri ng kaginhawaan. Bilog naman ang mundo, at kahit saan ka tumayo, ang lahat ay maaaring maging kanluran. At sa kanluraning pag-iisip, naiwala kita sa aking mga pangarap.

Hanggang sa isang araw, nakita kitang muli. Nakaupo sa ilalim ng dungawan, pasan ang kanluraning pag-iisip ngunit hindi nakakalimot na ang hulma ng bayan ay hindi napupunan ng banyagang ideyolohiyang hindi akma sa hugis nito. Na ang kabataang mulat sa kamunduhan ay maaari paring maging pag-asa ng kasalukuyan at ng hinarap, kung nanaisin lamang ng mga gurong gabayan upang ipatungkol sa tamang paraan ang lahat ng enerhiyang naiipon ng kamunduhang ito. Kung tutuusin, ang kamunduhang ito ay nagdudulot din naman ng maraming posibilidad, ng bagong uri ng talino na maaaring linaning at ipag-ibayo para paunlarin ang bayan at ang sarili. Muli mong pinaalala sa akin na sa apat na taon na inisip ko lamang ang aking sarili ay nandyaan ang tulad mong hindi nakakalimot, hindi nasisilaw, bagkus ay lalong nakasisiguro na ang tunay na kasiyahan ay ang kasiyahan sa paglingkod sa nangangailangan at hindi ang pagsilbi sa mga hari-harian. Nakita kita kung paano mo ginugol ang iyong sarili sa pagpapalawig ng mga kaalamang walang makatatamasa sa kasalukuyan, at sa pagnanais na ibalik ang kaalamang ito upang matamasa na rin ng ibang may kakayahang makapulot ng kabuluhan mula sa kung anong kaya mong ibahagi. Saludo ako sa iyo, kaibigan, at sa lahat ng tulad mong kayang isakripisyo ang kaginhawahan para sa mas malalim na adhikain.

Isa lamang ang hiling ko sa sandaling itong muli kang kumatok at pumasok sa diwa kong nakalimot: iyon ay ang makahanap ka ng kaagapay sa iyong mga adhikain. Hindi nilikha ng Panginoon ang tao upang mapag-isa. Kaya't kung iyong nanaisin, heto't inaalay ko ang aking balikat upang sandalan at nang tuluyan nating pasanin ang mga adhikain at layuning nanaisin mong maisakatuparan. Dahil tulad mo, naisip ko rin na ang nakawawaglit ng lahat ng ganitong mga ideya at layunin sa isipan, sa pagkatao, ay ang kawalan ng karamay-- ang kawalan ng kaakibat at kakampi na sasang-ayon sa aking mga pangarap na kalimitan ay nakakalimot sa sarili at nakaangkla lamang sa kaginhawahan ng iba: ng kabataan, ng pamilya, ng bayan. Pahintulutan mo nawa akong sabayan ka sa iyong mga pagsubok, at sa katuparan ng mga pangarap na walang natatamasa kundi kritisismo at panghihinayang mula sa mapangmatang tao na walang inisip kundi ang makawala, ang mapabuti ang sarili't wala nang iba.

Maraming salamat, kaibigan, sa pagbabalik sa akin sa tamang landasin kung saan ko ninanais mahanap ang aking sarili. Oo, panandalian itong nawala, panandaliang naligaw at nagnais kumawala. Ngunit ang pag-ibig ang laging namamayagpag, pag-ibig ang laging nakakapagpaalala sa mga kaalaman at adhikaing nawaglit man sa isip ay napapaalala parin ng damdamin.

Maraming salamat sa dinulot mong pag-ibig. Hindi ka nag-iisa sa iyong mga sakripisyo.

Walang hanggang pasasalamat,

JS

No comments: