Tuesday, September 15, 2015

Coke

Pinatay mo ko nang minsan mong sabihing sawa ka na sa ginagawa natin.

Bumaba ako ng hagdan, nagpunta sa ref, kumuha ng coke. Sumitsit lahat ng inipon nating lakas, kasama ng pag-tssss ng espirito ng softdrinks na parang nagbubuntung-hininga matapos ang mahabang pagtitiis. Umupo ka sa sulok, humalukipkip, dumekwatro at tumingala. Bliss. Ansarap mong kunan ng B&W 120 at iprocess sa utak kong punung-puno na rin naman ng chemical imbalances.

"Coke?"
"Hindi ako nagco-coke"

Sabi nga ni Zizek minsan, sa consumer society gusto natin ng coke minus the calories. In short, gusto natin ng reward without the risk. Hindi naman ata reward yong maituturing, kundi kahibangan at pagbabalat-kayo. Kahibangan dahil minsan nating inisip na magiging masaya tayo sa petiks na pakikitungo. Pagbabalat-kayo dahil minsan nating pinagtakpan ang kalungkutang dulot ng di-pagtamasa ng ganap na kaligayahan. Buong-buo sana nating nalalasap and bawat sandali--kung di mo lang ibabawas ang calories, kung di mo lang i-co-compartmentalize ang risk sa reward. Pero pinili mo to, pinili natin to: pahapyaw, patago, pa-joke at pawala na nang pawala.

Dumukot ka ng rubber band sa bulsa, tinali ang buhok at nagpalatak.

"Wala na kong yosi. Bili lang ako sa kanto"
"Anukaba, di ka na nag-ingat"
"Pakialam mo?"

Bibili ka nanaman ng yosi sa kanto, code for may itetext ka lang saglit nang hindi ipapaalam sakin. Hindi ako pinanganak kahapon. O kung kahapon nga naman, sana man lang nagbitbit ka na rin ng keyk para hindi ko man lang nahalata ang pagpapanggap mo. Huwag masyadong tahasan ang kamanhiran. Nakakamamatay ang talas ng pakikipagtalastasan. Lalong lalo na kung kahahasa lang ng matalim na dilang bihasa sa pamumukol ng mga mapang-uyam na salita. Buti pa ang Instagram may filter, ikaw wala.

Buti pa ang yosi mo, nauupos nalang bigla pag sukdulan mo nang nagamit. Buti pa ang panali mo, bumibigay nalang pag nasobrahan na sa kabibigkis. Kung sinusukuan ka ng mga bagay na walang sariling pagkukusang sumuko, bat ako hindi ko magawa?

Dahil minsan mong nilingkis ang mga daliri mo sakin, nang mag-usap tayo tungkol sa mga balak natin habang nakahiga sa papag ng lola mong kamamatay lang. Minsan mo kong dinantayan habang binubulong sa mumunti kong tainga kung paanong magwawakas ang mundo at wala na tayong magagawa kundi maglaho sa isa't isa. Minsan mo kong niyakap ng mahigpit, hinalikan sa noo, sa pisngi, sa labi at sa rurok ng kamalayan hinayaan nga nating maglaho ang ating mga sarili sa isa't isa. At minsan mo rin akong niyapos ng pagkahigpit-higpit at pinatawa nang pinatawa hanggan sa malimutan ko kung bat ko pa naisipang uminom ng Bagyon.

Minsan ko ring naisip na may dalawang uri ng tao sa mundo: ang tanga, at ang bobo. Ang bobo, hindi nila alam ang dapat sanang alam na nila. Ang tanga, alam na nga nila, hindi pa nila naisip. Hindi ko lang mawari kung nung minsan kong makita sa mata mong naglaho na ang lahat ng pinagsamahan natin e kung alin ako sa dalawa: tanga o bobo? Malamang sa malamang, ako ang tanga dahil alam ko nang wala namang patutunguhan e hindi ko pa naisip. Ikaw ang bobo dahil hindi mo alam na natatanga ako sayo.

"Sige go bili ka na"

Tumayo ka, nangapa ng barya, kinuha ang cellphone at lumabas nang pinto nang hindi lumilingon. Kapag naubos ko ang coke at hindi ka pa bumabalik, lalabas din ako ng pinto, tatalilis at sisiguraduhing wala ka nang aabutan pagbalik.

Hindi ko kailangan ang reward kung ako lang ang umiinom ng coke with calories. Hindi ko kailangang magtiis sa consumer society set-up natin kung ako lang ang willing mag-take ng risk.  

No comments: