Saturday, July 9, 2016

Kalibre .45

Nagising ang diwa ko isang araw
Na may nakatutok nang kalibre .45
Sa bunganga ng mga pangarap kong bumubuhay
Sa kinitil ko nang pagkatao

Na sa inaraw-araw na pagpapagal
Ng mumunti kong katawan
Ay nagsisikap isakatuparan ang pagnanais
Na magkaron ng buong kamalayan
Bilang pagtakas sa buhay
Kung buhay mang ituring
Ang manlimahid bilang latak ng lipunan

Hindi man dinanas
Ng aking mga magulang
Ay pilit ding nagsisikap
Maabot lang ang aking mga pangarap
Sa pamamagitan ng pagtungtong
Sa patang pata nilang balikat
Ang hapo na nilang diwa
Na bunga ng binigti nilang mga pangarap
Tulad ng aking tinututukan sa bunganga
Ng kalibre .45 binansagang 'pagbabago'

Kalabitin man ng neoliberalismo ang gatilyo
At sumambulat man sa daang huwad
Hindi nadale ng punglo ang tunay na pugad
Ng libo-libong mga pangarap na bumubuhay
Sa libo-libong kabataang kinitil na ang pagkatao
Dahil ang inasinta ng kalibre .45
Na sinuksok nang pilit sa bibig ng kabataan
Ay ang utak na matagal nang binulok
Ng huwad na edukasyong
Hindi nagpapalawak ng isip
Kundi nagpapapurol ng kamalayang
Guguhit sana ng landas tungong kalayaan
Gamit ang angkin nitong talas

Ngunit ang mga pangarap ay unang namumugad
Sa puso at hindi sa utak
Na lingid sa kaalama'y
Busilak miski sa burak
Na ang salitang ugat na 'hirap'
Ay hindi ang kabuuan ng kahirapan
Lalo pa't kung malalamang
May pag-asa sa paglaban

Dahil nagising na ang aking diwa
At inabutang tinututukan ng kalibre .45
Ang mga pangarap kong bumubuhay
Sa kinitil ko nang pagkatao
Anupa't tinira ang puso
Kung hindi man lalaban?

Tuesday, March 22, 2016

Mahal kong Isagani,

Matagal-tagal na rin akong hindi sumusulat, marahil halos isang taon na rin ang nakalipas. Sa nakaraang isang taon, nasabi kong kung paanong minsan kitang natagpuan sa isang lugar na hindi ko inaasahan. At minsan na rin pala kitang natagpuan sa ibang lugar, ibang pagkakataon, ibang pagtao, nang hindi ka nakikilala. Ang pagtatagpo ay hindi nangangahulugan ng pagkakakilanlan. Maaaring dati na tayong nagtagpo, ngunit bago palang tayong nagkakakilala.

Marahil napakarami nang bumabagabag sa isip mo. Hindi ko man maapuhap ang nilalaman ng isip mong 'sing lawig ng kalawakan, minsan ko na ring kinilala ang iilan sa mga bituwing namumugad dito. Hayaan mo't isa isahin ko ang mga konstelasyong binubuo ng iyong pag-iisip, mumunting mga ala-ala at repleksyong minsa'y kusa mong inaalay para aking mabatid, o di kaya nama'y nababatid ko nang kusa mula sa aking sariling pagkukuro. Hayaan mong pagtagpi-tagpiin ko ang pahapyaw na mga pagpapahayag mo ng iyong sarili, hayaan mong ibsan ko ang mga bumabagabag sa iyong isip na kalimita'y nababansagang hindi maarok ng nakararami. Minsa'y nangangailangan lamang ang malalim na pag-iisip, ang diwang masukal at di matunton, ng isang handang bumagtas ng walang pakundangan, ng walang pag-aalinlangan, at hinding hindi kailanman susuko.

Sa katunayan, ila't ilang beses ko mang naising sumuko, naising talikdan ang lahat ng mithiin, paulit-ulit parin akong babalik. Bumabalik sa isip ang nakalipas na isang taong pinamugaran ng mga ala-alang mabibilang man sa daliri ay mariin namang nakabinbin sa damdamin. Minsa'y nanaisin mo pang mamatay nang paulit-ulit sa bawat hapis na dulot ng pagtitiis, kaysa iwaksi ang mga pangako, at mabuhay nang hindi man lang nararanasan ang kaginhawahan ng kamatayan nang dahil sa labis na pagiging tapat.

Minsan ko na ring inisip na talikdan ang rebolusyon, literal man o metaporikal. Minsan ko ring inisip na maging makasarili nalang at hindi piliin ang magputong ng koronang tinik, ipako sa krus nang dahil sa aking mga paniniwala. Ngunit lagi kitang nakikita sa tuwing nanaisin ko nang sumuko. Lagi kitang nakikita sa mga mata ng batang lansangang nagnanais matamasa ang kaginhawahan, hindi ng kamatayan kundi ng kalayaan ng pag-iisip, kalayaan mula sa pang-aapi, kalayaang magkaroon ng kaampatang edukasyon, kalayaan pahalagahan ang sarili. Lagi kitang nakikita sa bawat guro na aking makapanayam, lubos na nagmamakaawang iligtas sila sa pagkakapiit sa sistemang kailanma'y hindi nila ninais mapabilang, kailanma'y hindi ninais paglingkuran ang baluktot nitong pamamalakad. Nakikita kita sa bawat Pilipinong nangarap na magbago ang kapalaran, sa kamangmangan ng mga botateng niyurakan ang dangal, at bagkos pati ang kakayahang mamili nang tama. Nakikita rin kita sa bawat kumpol ng rosas na wari'y nagsasabing ang pag-ibig na hindi sinusukuan ay ang pag-ibig na dakila, sariwa, at may halimuyak na iniiwan sa mga kamay na lumugas dito, tulad ng bilin ni Ka Amado. Kung san man makita ang mga rosas, kahit man sa putikan, ay babalik at babalik ang kagustuhan at ang katapatang maglingkod, nang makamtan ang kalayaang pag-uusbungan ng libo-libong rosas--sariwa, buhay, at malayang magpahayag ng pag-ibig.

Marami pang kailangang gawin, marami pang kailangang baguhin at isakatuparan. Mas mainam ding isiping unahin ang bayan kaysa sa sarili, unahin ang pag-ibig na magpapanumbalik sa kamalayan at katauhan ng sambayanan, kaysa sa pag-ibig na magbubuklod ng dadalawang tao lamang. Ngunit hayaan mong sa iilang salita, sa iisang liham, ay mabuhay ang munting ala-ala't pangarap. Na sa kabila ng lahat ng adhikaing nais nating makamit, hinayaan tayo ng mundong magtagpo, magbagtas ang landas, magkaroon ng iisang mithiin, at bigyang lakas ang bawa't isa, lalung lalo na sa mga panahong napanghihinaan tayo ng loob.

Sana sa dulo'y ikaw parin ang karamay at kasama, kung mamarapatin mo lamang tuparin ang pangakong hinding hindi mo ako iiwan sa landas patungong tagumpay.

Humayo ka't mabuhay, lagi kitang baon kahit san man ako magtungo: sa puso, sa isip, sa salita, at sa gawa.

J

Tuesday, January 5, 2016

Ang Bituwin at ang Binibi Sa Burol

Sa isang sulok ng daigdig sa dakong sinisinagan ng mga bituwin, sa isang marikit na purok na binbin ng mga nagkikislapang mga ngiti, ng mga ibong may samyo ang huni, ng mga rosas na simpupula ng mga ala-ala ng busilak na pag-ibig, may isang binibining nag-aabang sa isang burol kung saan siya minsang tinagpo nag kanyang nag-iisang ginigiliw.

Inako niya ang lahat ng pasakit sa paghihintay. Nag-abang nang nag-abang hanggang unti-unti nang nalagas ang mga dahon sa kakahuyang pumapaligid sa kanyang malumbay na dako. Habang kumukutitap ang mga bituwin sa langit, nililibang siya sa kanyang walang humpay na pag-aantay, isa-isa niyang binilang ito at sinubukang pangalanan. Isang maliit na bituwin ang nakaagaw sa pansin ng binibini, bituwing bagama't hindi sinlaki nang laksa-laksang nasa himpapawid ay kalugod-lugod ang pagnanais na kumislap ng higit pa sa libu-libong mas malalaki at malalawak ang sakop.

Tinanong ng binibi ang bituwin: "Bituwin, bituwin, saan mo hinuhugot ang iyong lakas? Hindi ka sintapang ng karamihan at marahil ay paulit-ulit na ring natabunan ng nakararami. Bakit hindi ka sumusuko sa iyong kagustuhang magningning nang sinlakas ng pinakamamalaking mga bituwin sa langit?"

"May hinihintay ako, binibini." sagot ng bituwin. "Araw-araw ay hinihintay kong mapansin ako ng isang dalagang parati kong pinagmamasdan mula rito sa himapapawid."

"Nakita ka na ba niya?" tanong ng binibini.

"Marahil. Ngunit hindi ko rin matitiyak dahil hindi naman niya ako pilit inaabot at kinakausap."

"Kung gayon, ano pa't ikaw ay tulad kong nag-aantay?" diin ng binibini.

"Dahil alam kong darating din ang araw na siya'y maghihintay tulad mo. Darating din ang araw na sa kanyang lumbay ay tatawagin niya ako, tatawaging parang ako ang matagal na niyang hinahanap. Hindi pa niya alam sa sarili niyang darating ang araw na iyon. Ngunit sa tagal kong nagmamasid sa sangkatauhan mula rito sa aking kinalalagyan, iisa lang ang may katiyakan: ang tao ay malumbay dahil sa pinakawalang pag-ibig. Kaya't hindi ako naniniwala sa pinapakawalang pag-ibig, lalo pa't kung ang pag-ibig na iyong pinanghahawakan ay ang uri ng pag-ibig na minsan lang sa libong dating salinlahi ang nakakaranas. Ang lakas ko ay nagmumula sa pag-asang darating ang araw na iyon. At hindi ba't mas kalunus-lunos kung sa pagsapit ay ako ang simuko at hindi man lang niya nakita kung gaano akong kumislap para sa kanya?"

"Sa tingin mo ba'y darating ang hinihintay ko sintiyak ng pagdating ng araw na hinihintay mo?"

"Nasasayo kung hanggang kailan ka maghihintay" tugon ng bituwin. "Kung hindi ka susuko, maaaring hindi nga siya dumating. Kung susuko ka naman, maaaring hindi mo na malaman."

"May isa lang akong hiling, bituwin" bulong ng dalaga. "Maaari mo bang sinagan ang hinihintay ko, silayan para sa akin, at sabihing habambuhay akong uupo sa lilim ng punong minsan naming pinagtatagpuan nang patago? Paratingin mo sa kanyang habambuhay ko siyang hahantayin dahil habambuhay ko siyang mahal."

"Maaari, binibi."

Hinanap ng bituwin ang sinisinta ng dalaga, isang manlalakbay na hitik sa dunong at may hilig sa makamundong mga bagay. Sinabi ng bituwin ang pinasasabi ng dalaga, puring-puri sa walang sawang pag-ibig ng iniwang nangungulila. Napangiti ang manlalakbay, naalala ang mga dapithapong labis niyang kinalulugdan dahil sa patago nilang mga pagkikita at panakaw na pagsasama sa lilim ng puno ng kanilang kabataan. Nagbalik ang lahat ng ala-ala na parang mga kathang-isip na ginuhit sa hangin at hindi naganap sa tunay na mundong tumatawag sa kanyang mga adhikain. Mga ala-alang binaon sa limot at pilit sumasabay sa kanyang mga yapak sa paglalakbay, pilit siyang ibinabalik at hindi ipinalalayong parang tanikalang bakal na bitbit niya nang may matinding bigat. Napailing ang binata at hindi ininda ang sinabi ng dalaga, hindi nagbalak bumalik sa habambuhay na naghihintay sa kanya at bagkus ay dumako sa mas malayong lugar at pumihit sa direksyong kabila nang pinag-aabangan ng sinta.

Natawa lamang ang bituwin sa piniling landas ng binata. Alam nito, mula sa kanyang lugar sa himpapawid na ang mundo ay bilog. At kahit anong direksyong tahakin ng binata ay babalik at babalik ito sa punong kanilang pinagtatagpuan sa burol sa isang purok na binbin ng mga rosas na simpula ng ala-ala ng busilak na pag-ibig sa isang dakong sinisinagan ng mga bituwin.

Ang hindi lang niya matiyak ay kung sa pagsapit ng araw na iyon ay nag-iintay parin ang dalaga.