Saturday, July 9, 2016

Kalibre .45

Nagising ang diwa ko isang araw
Na may nakatutok nang kalibre .45
Sa bunganga ng mga pangarap kong bumubuhay
Sa kinitil ko nang pagkatao

Na sa inaraw-araw na pagpapagal
Ng mumunti kong katawan
Ay nagsisikap isakatuparan ang pagnanais
Na magkaron ng buong kamalayan
Bilang pagtakas sa buhay
Kung buhay mang ituring
Ang manlimahid bilang latak ng lipunan

Hindi man dinanas
Ng aking mga magulang
Ay pilit ding nagsisikap
Maabot lang ang aking mga pangarap
Sa pamamagitan ng pagtungtong
Sa patang pata nilang balikat
Ang hapo na nilang diwa
Na bunga ng binigti nilang mga pangarap
Tulad ng aking tinututukan sa bunganga
Ng kalibre .45 binansagang 'pagbabago'

Kalabitin man ng neoliberalismo ang gatilyo
At sumambulat man sa daang huwad
Hindi nadale ng punglo ang tunay na pugad
Ng libo-libong mga pangarap na bumubuhay
Sa libo-libong kabataang kinitil na ang pagkatao
Dahil ang inasinta ng kalibre .45
Na sinuksok nang pilit sa bibig ng kabataan
Ay ang utak na matagal nang binulok
Ng huwad na edukasyong
Hindi nagpapalawak ng isip
Kundi nagpapapurol ng kamalayang
Guguhit sana ng landas tungong kalayaan
Gamit ang angkin nitong talas

Ngunit ang mga pangarap ay unang namumugad
Sa puso at hindi sa utak
Na lingid sa kaalama'y
Busilak miski sa burak
Na ang salitang ugat na 'hirap'
Ay hindi ang kabuuan ng kahirapan
Lalo pa't kung malalamang
May pag-asa sa paglaban

Dahil nagising na ang aking diwa
At inabutang tinututukan ng kalibre .45
Ang mga pangarap kong bumubuhay
Sa kinitil ko nang pagkatao
Anupa't tinira ang puso
Kung hindi man lalaban?

No comments: