Ngayon ko lang napagtanto...
Na panahon ang pinakamabisang guro
Na posibleng mula bumbunan hanggang talampakan, pag-ibig lang ang bubuhay sa isang nilalang
Na hindi mahalaga ang mabuhay, ang mahalaga ay ang dahilan kung bakit nabubuhay
Na ang indayog ng tula ay parang indak ng pagsayaw
Nasa sukat at tugma ang hiwaga
Laging napapanahon, at hindi kumakaila ng damdamin
Na hindi lahat ng tama, totoo
Na ang pag-ibig ay parang pananim, hindi uusbong kung di man diligan
At hindi ninanakaw ang sa ibang bakuran
Na ang pumapatay sa bayani ay ang kanilang prinsipyo
Ang pumapatay sa martir ay ang kanilang pananalig
At ang pumapatay sa makata ay ang kanilang pag-ibig
Na duwag lang ang gumagamit ng analogo at haypotetikong pangungusap
Na ang tunay na matapang ay ang siyang sumusuong sa pagkakataong di dapat palampasin
Ng buong loob, di alintana ang pasakit
At ang siyang mautak ang agarang nakaalam kung kailan ang mga pagkakataong ito
Na ang mali ang siyang nagbibigay kahulugan sa kung ano ang tunay na tama
Kaya't mas mainam magkamali upang mas mapahalagahan ang tama
At nagwawakas ang lahat.
Wednesday, March 3, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment