Paalam na, Mahal.
Ito ang mga katagang hindi ko maatim sambitin. Parang hindi napapanahon ang lahat ng pagkakataon, kahit ang pamamaalam parang hindi rin napapanahon. Hindi na mawari ng isip kung ano ang dapat gawin. Aba'y para saan pa ang isip kung hindi rin ito nabibigyan ng pagkakataong timbangin ang lahat ng kaganapan. Hindi rin maaari na hindi kabuuan ang nararanasan ng isang nilalang. Hindi rin maaari na ipagpaliban ang sarili. Malalaman mong may Panginoon dahil may pag-ibig. Malalaman mo na ang kahulugan ng katotohanan ay pag-ibig at ang pag-ibig ang tunay na katotohanan. Na ang Panginoon ay katotohanan dahil ang Panginoon ay pag-ibig. At sa buhay, laging ang katotohanan ang pinakamasakit na karanasan.
Paalam na, Mahal. Marahil hanggang dito na lamang. Marahil, dahil walang katiyakan. O maaaring may katiyakan hindi lang madaling tanggapin. Kaya may katanungan, kaya maraming katanungan. Marahil alam na rin natin ang sagot, mas ninanais lang nating magtanong. Dahil mahirap maranasan ang kahit anong uri ng katapusan, At ang kasagutan ay isang uri ng katapusan.
At ang katapusan, kalimitan ay simula rin ng kung ano man. Ng kung anumang mas mainam hindi mo rin masasabi hangga't hindi ito nagaganap. Maaaring sa katapusan ay mag-usbungan ang mga bagong katanungan. Maaaring tama o mali ang tapusin ang lahat. Maaaring panghabang-buhay ang pamamaalam, maaari ring panandalian kung sadyang mapaglaro lang ang panahon. Panahon lang ang makapagsasabi kung ano ang nararapat dahil panahon lang ang nakaalam ng lahat.
Ngunit sa katapusan lang din umuusbong ang lahat ng talinhagang nais ituro ng panahon. Mangyari nga't panahon ang nakakaalam ng lahat, panahon lang tiyak ang pinakamabisang guro. Sa pagtatapos lang naihihiwalay ang sarili sa karanasan, at wakas lang ang nagbibigay ng puwang pagmunihan ang lumipas.
Mas mainam nga kaya ang wakas? Mas mainam nga kaya ang paalam?
Marahil ay siyang tahasang napag-iigting ng pangungulila ang pinagsamahan ng dalawang nilalang. At sa katapusan, sa pamamaalam lang din nararanasan ang pangungulila.
Puro marahil nalang.
Panahon, guro ng mga guro, dinggin mo. Oras na bang matuto? Oras na bang mamaalam?
Sunday, March 7, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment