Sunday, August 1, 2010

Sabbath

Nung unang araw, sinambit ng Diyos:
"Magkaron ng liwanag"
At liwanag ang siya ngang unang nalikha,
Liwanag nga ba o salita?
Kung nag-usal ang Diyos, sino ang lumikha ng salita?
Ang Diyos ba ang nilikha ng salita
Na may taglay ding likas na kapangyarihan?
O di kaya'y kaliwanagan ang humuhubog sa salita?
Tulad ng salita, na siya ring diwa ng nagwika
At ang kaliwanagan ang lumilikha sa diwa
At ang diwa ay hinuhugot sa salita
Kahalili ng paglikha ng mundo

Sa unang araw ng pagsinta,
Ang dalawang hinihingi:
Salita at kaliwanagan

Salita ng diwang hinubog ng kaliwanagan
Na maaaring nag-usbong sa salitaan din namang
Di maunaawaan ng isipang sumisipat

Dahil nagmula sa damdamin ang diwang hinahawan
Ng kaliwanagang sinasambit ng pusong umaalab
Kung san ang dilim at liwanag ay parang naghahabulan
Ang kadiliman ang lumiliyab tungong kagitingan
At kagitingan ang sanhi ng labis na kapusukan
At silakbo ng pag-ibig ang humihipo sa nahipuan
Nang di pumapalag, nagpapahipo din naman
Digmaang pandaigdigang gumaganap sa mumunting katahimikang
Namamagitan sa dalawang nilalang

Sa paglaon ng pagsinta,
Namumuo na rin ang lupa, ang langit
Ang araw, ang ulap, buwan, at mga bituwin
Ang tubig na tigib ng pag-ibig
Kay panglaw ng mapagmithing pag-agos
At hindi nauubos

Sa pag-agos ng dalisay na pag-ibig
Nalikha ang nananagwan, ang nakikipagsabayan
Pag-agos, agos at walang katapusang agusan
Paglaon, lumaon tiyak ang kapaguran

Sa paglikha kay Adan, nalikha ang kalikasan
Ang pawang kalikhaan nabigyang kahulugan
At sa paglikha kay Adan, nalikha ang kalungkutan
At nalikha ng kalungkutan ang pagkakaroon ng katipan

Waring di napunan ng pag-agos ang tunay na katungkulan

Ang pagiging tigib sa pag-ibig, nagmula pa kay Eba

At umusbong ang pamamahagi, pananarili, kasakiman
Kagustuhang maging Diyos, at maging diyos-diyosan

Nalikha ang puno, ang tukso, ang ahas
Pawang mag-aalay ng mas mainam, ang pagtakas

Pagtakas? Nalikha ang pagtakas dahil sa kalabisan
Dahil kalabisan lang din naman ang ninanais takasan

At ang magkaakibat sa pagbuwag ng tunay na pagsinta:
Kalabisan at Pagtakas

At nang ika-pitong araw, nilikha ang kapaguran
Kapaguran sa pagtakas, samut-saring paraan
Paggapang ang inihatol sa mapanuksong nilalang
Paggapang ang inihatol? Dahil labis ang dinudulot nitong kapaguran
At tila kapaguran ang tunay na parusa
Sa nilalang na nawaglit na ang pagsinta

Pag-ibig, mas nalalabisan pa nga ba ng kapaguran?
Kailan pa natutong mapagod sa pag-agos ang katubigan?

Sabagay,
Kung ang Diyos nga napapagod,
Ang sumisinta pa kaya?

No comments: