Saturday, September 13, 2008

Sa MIBF kahapon

Kaya kong magbitiw ng mga bitter words ngayong gabi

Sumaglit ako kahapon sa SMX sa may MOA at sinwerteng abutan si Khavn dela Cruz at ang kanyang nilapatan-tonong pagsasalin sa Tonight I can Write the Saddest Lines ni Neruda. Kasabay ng saliw ng kanyang kolokyal na rendisyon ay pinapalabas ang digital film nyang Ultimo, na muling naghikayat saking pagnilayan si Rizal. At sa aking pagninilay ay napagtanto kong maypagka-erotic nga naman ang Mi Ultimo Adios, na ang pag-ibig sa bayan ay pag-ibig sa collective soul ng mga mamamayan at ang pagkamatay alang-alang sa bayan ay tila katumbas ng pakikipagtalik dito (o baka ako lang yong nag-iimagine ng isang malaking orgy). Sa kabila ng pagtatalo naming magkakasama kung sol o fa-sharp ang tinutugtog ni Khavn, higit na naantig ako sa pagbubuklod ng salita at musika na parang nagbigay ng heightened expression sa tula. Kahanga-hanga rin kung paanong inawit ni Cynthia Alexander ang isang napakagandang tula ni Vim Nadera na kunwa'y tumatagos sa kayumanggi kong balat, laman at puso na parang high-caliber na bala lang (na nananatili nga namang bumabaybay sa laman). Mas nahihikayat akong pakinggan ang tulang may kaakibat na musika kahit backgrounder lang, dahil ang puno't dulo naman ng musika ay para pakinggan. Tawag pansin kumbaga ang musika sakali mang mayroon kang nais iparating dahil bukod sa hindi mo maaaring takasan ang musikang laganap sa paligid, tulad ng hangin at dahil na rin sa hangin (maliban kung may earplugs ka na hindi rin naman gaanong epektibo) ay nakakahalina rin ito't tuwirang tumatawag sa emosyong purong-puro gawa nang hindi maikakaila ng tunog ang nais nitong iparating. Minsanan lang akong makadalo ng ganitong mga alternative poetry sharing (o kung ano mang bansag dito) at nagbabalak-balak din mapadalas o di kaya'y balang araw makasali sa ganitong form of self-expression. Hindi maikakailang ang mga artist ay artist at artist na hindi lamang sa iisang uri ng art naglalabas ng sumisingaw na silakbo ng ka-OA-an. Karaniwang ang manunulat ay pintor din, o di kaya'y film maker, o di kaya'y mang-aawit o ang kompositor ay manunulat din o ang pintor ay mananayaw din o ang mananayaw ay karaniwang mahusay sa teatro o ang nasa teatro ay magaling magmake-up (weh). Lalu na't magkakaugnay ang iba't ibang sining at ang talento ng mga tao sa kani-kanilang sining, tulad ng mga ilog na sa iisang karagatan lang din patungo, kung magsisikap ay maaaring mapanatili ang masigabong alindog ng kulturang Pilipino na siyang pinalalaganap hindi sa pamamagitan ng komersyalismong pabor sa kapitalismo kundi sa mga likas na talento ng bawat Pilipinong pinagpala. Ngunit hindi rin nating maikakailang sa mata ng Poong Maykapal, ang siyang pinagpapala ang siyang naghihirap.

Sunday, September 7, 2008

Ligaw-Liham

Dear Isagani,

Sisimulan ko ng pagbati ang aking liham, tulad ng "magandang araw sa iyo" upang magkaron ng katiting na pormalidad. Kaya heto: Isang magandang araw sa iyo.

Isang magandang araw sa iyo mula sa kaibuturan ng aking puso. Isang magandang araw sa iyo, na sa katotohanang ang adhikain ay higit pa sa pormalidad. Maniwala ka, nais kong magkaron ka ng isang magandang araw kung saan lahat ng makakatas mo mula sa araw na ito ay iyong matatamasa. Nais kong magkaron ka ng isang magandang araw dahil ganoon na lamang ang hiling ng nanaba kong puso para kahit papaano'y tadhana na, o Diyos na Makapangyarihan, ang magsukli ng kasiyahang nadudulot mo sa akin.

Kumusta ka na? Binibigyan kita ng kaampatang panahon para pagmunihan ang iyong sarili at masabing... oo nga noh, nasan na ba ko ngayon? Tumugon ka na rin kung nais mong ibahagi sa akin ang iyong naiisip. Kung wala ka sa mabuting kalagayan, at naisip mo iyon, sa iyong pagsagot ay maaari bang huwag mo na kong lokohin ng mga katagang "okey lang naman ako dito". Mas napapaisip ako, mas nagaalala ako kapag ganon.

Sisimulan ko na ang lahat ng nais kong ibahagi sa iyo. Huminga ka ng malalim at saka lumusong sa aking liham na parang magsiswimming sa balon ng aking mga naiisip. Unang una, pagpasensyahan mo na ang aking pagtatantsa sa mga salitang pinipili. Nais kong magkaron ng kahit paanong indayog ang aking mga salita para naman hindi kahiya-hiya pag nabasa mo, kahit pilit. Tulad ng sa lahat ng bagay, pilit ko lang namang pinagsasabayan ang sarili ko sa kakayahan mo kahit pagapang. Isa kang makata at pinipilit kong hindi mapahiya sa iyo. Isa iyon sa mga katangiang talagang hinangaan ko mangyari pa't iba na ang panahon, at tila wala nang puwang ang pagiging makata sa mundo. Sabi nga nila, pag makata, magaling mambola. Aminado akong biktima ng lahat ng pambobola mo, na parang lahat ng sinasabi mo ay dapat kong isapuso. Kahit hindi iyon ang iyong adhikain, sa maniwala ka't hindi, may puwang ka na sa aking puso na lagi kong pinapasakan para magmanhid, parang sa asong nagugutom na laging pinapakain para hindi maulol. Mabuti't napanindigan mong maging makata, at nais kong ipahatid sayo kung gaano ang iyong kapangyarihang magmanipula ng kaisipan, damdamin at kung ano pa man. Huwag mo sana itong sayangin.

Kung pagmamanipula na rin ang pag-uusapan, tingin ko ang pagiging inspirasyon ay isang uri ng manipulasyon. Lingid sa kaalaman ng marami, isang malaking impluwensya ang inspirasyon na di lang isipan ang nasasaklaw kundi pati na rin ang damdamin at minsan pa'y kaluluwa kung pinaniniwalaan. Isa kang inspirasyon para sa akin, kaya isipin mo nalang kung paano mo minamanipula ang aking buhay. Nais kong ipagduldulan sa iyo na mulat akong hindi ito ang iyong adhikain. Hindi mo ninais kailan man na ako'y maimpluwensyahan o mamanipula sa kahit anong paraan o magkaroon ng puwang sa aking puso, o kung ano pa mang kalokohan. Pinili ko iyon, ninais ko iyon at inaamin ko. Hindi mo kailangang maghugas-kamay sakali mang may mangyari sa akin at sa takbo ng aking buhay at pag-iisip. Kung nagtataka ka man sakali kung paanong manipulasyon mula sa iyo ang aking natatamasa, karamihan nito'y may kinalaman sa pagtuklas sa aking sarili. Ang simpleng simpleng katotohanang nabubuhay ang isang katulad mo na nagpapatakbo sa kanyang buhay na radikal at makabuluhan ay isa nang insipirasyon para sa akin, ngunit sa katotonan ding hindi ko mawari kung naunang ituring kong makabuluhan ang iyong buhay o nasilaw muna ako sa paghanga sa iyo. Kung alinman doon ang nauna, mabuti't gayon ang kaganapan at nang unti-unti ko nang nakikila ang aking sarili sa pamamagitan mo.

Sa pilit makipagsabayan sa iyo, sinikap kong palawakin ang aking mga kaalaman. At sa aking pagsisikap ay napagtanto ko ang sarap ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman. Nahalughog ko sa kaibutaran ng aking sarili ang kagustuhang mahasa ang talino hindi para sa ibang tao, para makaani ng paghanga't pagpupugay, kundi para sa sarili kong kapakanan at sa pagpapalagay ng aking loob. At sa pagnanais kong magkamit ng kaalaman sa mga bagay bagay, namulat ako sa tunay na pinatutunguhan ng mga kaalaman, at iyon ay ang mapaglingkuran ang Diyos, ang kapwa at ang sarili. Tulad mong tumatalima sa Diyos at sa karapatang pantao ng bawat nilalang, nilulunggati ko na rin ang kumilos nang may kahulugan, nang may maidudulot na pagbabago para sa ikabubuti ng karamihan- kawangis ng paglilingkod ngunit kalimita'y pansarili pa't hindi pa gaanong laganap. Isang malaking pagbabago ang aking dinaranas, isang pagbabagong mas nakabubuti at tulad ng iyong pamumuhay, ay mas makabuluhan. Tahasang pasalamat ang aking maisusukli sa ngayon, at kung bibigyan ng pagkakatao'y higit pa.

Nais kong malaman mong isinasama kita sa aking mga panalangin. Sa tingin ko'y malaking biyaya at pribilehiyo kung may nagdarasal para sa iyo, pawang isang uri ng anting-anting kung sa katutubong Pilipino maituturing. Para sa akin ang pag-aalay ng dasal ay isa sa pinakamakabuluhang maihahandog sa tao bilang pasasalamat. Bukod sa naghihiwatig itong ninanais kong mapabuti ka sa bawat oras, mas ipinahihiwatig nito kung gaano ka kahalaga para sa akin. Ipinauubaya ko sa Diyos ang lahat ng mga kaganapang higit na sa aking makakaya lalung-lalo na't ikaw ang kalimitang paksa. Malaya kang mag-isip tulad nating lahat na nilikha at ang iyong mga desisyon ay hindi ko maaaring baluktutin paano man. Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng kakayahang gumawa ng matatalinhagang desisyon. Sa bawat panahong natatanaw kitang suot ang iyong PMA fatigue, buong paghanga akong nagpapasalamat at walang atubiling pinagdarasal ang katuparan ng iyong mga pangarap. Hindi nawawaglit sa isipan kong marahil balang araw, magiging bayani ka o di kaya'y alagad ng sining na siya ko ring pangarap. Huwag mo sanang iwaksi ang iyong mga prinsipyong madalas kong sang-ayunan at ang pamumuhay mong makabuluhan para sa mga taong tulad kong masilayan la'y napupuno na ng pag-asa.

At bilang paglilikom sa lahat-lahat ng aking mga naipahiwatig, nais kong muling batiin ka ng isang magandang araw mula sa kaibuturan ng aking puso.

Humahanga't higit pa,

JPS

Tuesday, September 2, 2008

Ang Kabataang Artista sa Ating Panahon

Bienvenido Lumbera

Sa unang dekada ng Siglo 20, isang makata ang umako sa tungkuling imulat ang mga kabataan sa kalagayang bunsod ng pananakop ng Amerika sa Filipinas. Sa tulang pinamagatan niyang “Pinaglahuan,” ginamit ni Pedro Gatmaitan ang talinghaga ng araw na kinakain ng dilim upang ilarawan ang bayang sinakop ng dayuhan gayong katatapos lamang nitong palayain ang sarili sa dominasyon ng Espanya. Ipinahiwatig ni Gatmaitan na sa ilalim ng mga bagong kolonyalista, ang mga kabataan ay binubulag ng sistema ng edukasyon sa magiting na kasaysayang binuksan ng Rebolusyong 1896 sa buhay ng lipunang Filipino.

Kunwari’y sa isang eksena ng isang dula, dalawang panauhan ang nag-uusap – ang nakatatandang makata at ang kabataang walang muwang:
Halika sandali. . .
Halika! Tingnan mo yaong lumalakad
Na mga anino sa gitna ng gubat
At tila may dalang sandata’t watawat. . .
Halika. . . Madali. . .
Ayun!. . . Tanawin mo!. . . Ayun at may hawak
Na tig-isang sundang. . . Ano?. . . Ha?. . . Katulad
Ng mga kahapo’y tumuklas ng palad. . .

Nakita mo nab a?
Hindi?. . . Aba!. . . Bulag!. . . Tingnan mo ang dulo
Ng aking daliri’t tapat sa anino. . .
Ayun. . . Ano?. . . Ayun!. . . Kita mo na?. . . Oo?. . .
Salamat!. . . Hindi ba
Kamukhang-kamukha niyong mga taong
Bayaning kahapon ay nangagsiyao
Upang maibabaw itong lahing talo?

Nainis ang makata, at ikinagalit niya ang hindi niya akalaing kawalang-muwang ng kanyang kausap tungkol sa isang pangyayaring sariwang-sariwa pa ang alaala sa mga taong sumaksi sa paghihimagsik ng mga Filipino laban sa mga Espanyol. Matutuklasan niya na ang kabataan ay labing-apat na taon pa lamang. Ibig sabihin, noong maganap ang pagkatatag ng Republika sa Malolos noong 1898, ang kausap ng makata ay nasa panahon ng kanya ng kamusmusan. Sa mga unang taon ng pananakop ng Amerika, ang kasaysayan ng himagsikan ay binubura ng pandarahas at ng mga batas sa alaala ng sambayanan.
Hindi mo natalos
Ang aking sinasabi?. . . Aba!. . . Anong inam
Naman ng isip mo!. . . Di mo nalalaman
Ang paghihimagsik ng Katagalugan?. . .
O, diyata! . . . Hambog!. . .
Ilang taon ka na?. . . Labing-apat lamang?. . .
Oo?. . . Sinungaling!. . . Talaga?. . . Bulaan!. . .
Na panaligan ko at tunay na tunay?. . .

Sa tatlong saknong na susunod, isasalaysay ng makata ang pagkaapi ng bayan sa kamay ng mga Espanyol. Subalit nahanap ng mga Filipino ang pagkilos na magpapalaya sa kanila. At naganap nga ang pag-aalsa na nagpabagsak sa kapangyarihan ng Espanya sa Filipinas. Nagtagumpay ang Rebolusyon, at ipinagdiwang ng bayan ang kanilang paglaya. Ngunit saglit lamang ang pagdiriwang. Ang pagdiriwang ay nauwi sa paghimutok:
Ngunit. . . Anong saklap!. . .
Di pa nalalaon ang gayong dakilang
Ligaya ng ating bayang natimawa’y
May iba na namang lahing umalila!. . .

Ang himutok ng makata, mahihiwatigan natin, ay kanyang paghamon sa bagong henerasyon. Ang paglukob ng dilim sa bayan ay kayang labanan ng mga kabataang natatanglawan na ngayon ng kamalayan sa magiting na paghihimagsik ng nangaunang bayani.
Ngayon. . . alam mo na?. . .
Iyan ang himagsikan ng Katagalugang
Parating sariwa na nalalarawan
Sa dahon ng ating mga kasaysayan. . .
Iyan ang pagsintang
hindi makatkat sa puso ng tunay
umibig sa kanyang tinubuang bayan. . .
Dapwa’t. . . anong dali namang paglahuan!. . .
Ang araw na nilamon ng laho ay muling lilitaw, at ang kaliwanagang dala nito ay dapat maging tanglaw ng mga kabataang may tunay na pag-ibig sa tinubuang bayan. Ang bagong paghihimagsik na inasahan ni Gatmaitan ay hindi naganap sa mga henerasyong sumipot sa panahon ng kolonyalismong Amerikano. Naging lubhang mabisang pamayapa ang sistema ng edukasyong itinayo ng mga Amerikano. Patuloy ang naging pambubulag sa mga kabataan sa paaralan, at noon na lamang dekada 60 muling pinasilay ng mga aktibistang estudyante ang araw na binansagan nina Bonifacio at Jacinto na “araw ng katuwiran.”

Nasa uang dekada na tayo ng Siglo 21. Kung nabubuhay pa si Gatmaitan, ano kaya ang ipamamalas niya sa inyong mga kabataang Filipino ng kasalukuyan? Isang peryodista rin si Gatmaitan kaya’t mahihinuha natin na lulubog siya sa mga realidad sa kasalukuyang lipunan natin. Marahil ihaharap niya kayo sa malawakang kahirapan ng bayan at sa pagkabalisa ng mga mamamayang bahagya na lamang tugunin ng mga pinunong humahawak ng kapangyarihan sa pamahalaan. At dahil ang nakararami sa lipunan ay binubuo ng pinakamahirap ng mga mamamayan, itutuon niya ang inyong pansin sa hinaing ng mga magsasaka, manggagawa at maralitang taga-lunsod.

Sasabihin niya na taon-taon ay lalong kumakapal ang ating populasyon at lumalaki ang bilang ng mga kabataang walang trabahong mapasukan kaya’t hindi mapakinabangan ng bayan ang kanilang lakas bilang puwersa ng paggawa. Sa kabilang dako, nariyan naman ang mga mamamayang may trabaho, na hindi makahabol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin pagkat walang kaukulang pagtataas ng kanilang suweldo, bukod pa sa pagsiil sa kanilang paghiling na sa ngalan ng karapatang pantao ay mabigyan sila ng kakayahang buhayin ang kani-kanilang pamilya na matiwasay at maginhawa. Tatawagin din ni Gatmaitan ang inyong pansin sa pagkapal ng mga batang lansangan na nagbibili ng kung ano-anong kakanin at kagamitan, pati na ang kanilang katawan, upang may makain at, kung maaari, ay may maiuwing kita sa kanilang magulang at kapatid. Marahil uugatin din ni Gatmaitan ang talamak na kriminalidad sa hanay ng mga maralitang taga-lunsod sa desperasyon ng mga hikahos na mamamayan, na napipilitang kumapit sa patalim makahanap lamang ng ikabubuhay. At hindi maiiwasan ni Gatmaitan na ipamalay sa inyo na ang lantarang paggamit ng dahas ng mga pulis sa ngalan ng anti-terorismo laban sa mga magsasaka at ng mga simpatisador nila sa Hacienda Luisita, at laban sa mga bilanggo sa Camp Bagong Diwa, ay pahiwatig ng walang pakundangang pasistang lakas ng pamahalaan na handa nitong pakawalan upang “payapain” ang anumang pagtutol ng nahihirapang mga mamamayan.

Mga kabataang artista ng Philippine High School for the Arts, inanyayahan ako ng inyong paaralan upang magbigay ng “inspirational talk” sa inyong pagtatapos. Ipagpatawad ninyo na hindi ko kayo maanyayahan, gaya ng kinaugaliang gawin ng isang guest graduation speaker, na magtuloy sa isang lipunang kaaya-aya at matiwasay. Ang lipunang inyong bababaan mula sa Bundok Makiling ay lipunang gaya ng “pinaglahuang” lipunan sa tula ni Gatmaitan ay bayang nilalambungan ng karimlang dala ng laho ng paghihikahos, korapsiyon at karahasan. Sa ganyang kalagayan, ang daigdig ng sining at kultura na pinaghandaan ninyong pasukin pagkatapos ng panahong inilagi ninyo sa Philippine High School for the Arts, ay huwag sana ninyong asahang buong pagsuyong yayakap sa inyo bilang mga bagong artista ng ating panahon.

Ang lipunang Filipino ay kasalukuyang nagdaraan sa matinding krisis. Sa mga kolehiyo at unibersidad na inyong tutuluyan, ramdam na ramdan ang kagipitang palatandaan ng krisis. Ang kurikulum na itinatakda ng pamahalaan ay higit na tumutugon sa kahingian ng globalisasyon kaysa pangangailangang idinidikta ng kongkretong kalagayan ng mga Filipino. Sa pangkalahatan, inilalaan nito ang mga estudyante para sa mga pagawaan at opisina ng mga empresang multinasyonal, at ang iba naman ay itinutulak sa pagsiserbisyo sa mga maysakit at matatanda sa mga industrialisadong bansa. Ang iba sa inyo ay makahahanap ng puwang sa mga pangkulturang kompanya sa labas ng bansa, at magiging musikero sila, dancer, actor, at manunulat na magtatanghal ng kanilang sining para sa mga dayuhang manonood o tagapakinig. Ang mga pinalad na mapabilang sa mga nasabing kompanya ay tatanggap ng papuri at ng suweldong magpapaginhawa sa kanilang buhay, subalit ang hahanapin pa rin nila ay ang parangal at pagpapahalaga ng kanilang mga kababayan.

At paano na ang mga artistang mananatili sa Filipinas at maglilingkod sa mga manonood at tagapakinig na local? Sila, sa palagay ko, ang may potensiyal na maging tagapagpasilay ng “araw” na tatanglaw sa lipunang pinagdilim ng kahirapan, korapsiyon at karahasan. Aasahan natin na sila ang mga artistang sasaniban ng malasakit sa kapakanan ng mga Filipino. Kung magiging tapat sila sa kanilang sining bilang mga indibidwal na manlilikha, aasahan nating magiging tapat din sila sa tawag ng kanilang mga kababayan. Ibig sabihin, sa pagpili ng paksaing pagbabatayan ng kanilang mga likha, ang pipiliin nila ay iyong makabuluhan sa madla sa Filipinas. Ang anyo ng likha na kanilang gagamitin ay iyong mga anyong kayang abutin ng nakararami sa pagsisimula, na pauunlarin lamang kapag may naganap nang pagtatagpo ang artista at ang kanyang publiko. Sa madaling sabi, ang artista bilang tagapagpasilay ng “araw” ay makikiisa sa publikong kanyang pinaglilingkuran at sa iba pang artistang may malasakit, tulad niya, sa paghihirap ng sambayanan.

Ang mito ng artistang walang pinapanigan ay gawa-gawa ng mga intelektuwal na takot sa pagbabago ng lipunan. Gayundin ang mito ng sining na may sariling bisa na makapagbago sa mga kondisyon sa lipunan; isa itong ilusyon ng mga artistang inihihiwalay ang kanilang likha sa pagkilos na kailangang isagawa upang baguhin ang lipunan. Ang akda ng makata at kuwentista ay isa pa lamang tekstong nakalatag sa pahina o nakalutang sa hangin. Gayundin ang painting ng visual artist, kulay at guhit pa lamang ito na walang sariling kakayahang baguhin ang kamalayan ng nagmamasid. Ang tinig ng mang-aawit at ang komposisyon ng kompositor ay alingawngaw pa lamang sa himpapawid na nangangailangan ng mga tao o organisasyong kikilos upang mabigyan ito ng puwersang magkakabisa sa lipunan. Ang himutok ni Pedro Gatmaitan sa “Pinaglahuan” ay nagsilbing hamon sa mga kabataang binubulag ng kolonyal na edukasyon noong unang dekada ng Siglo 20 na angkinin bilang gabay ang kasaysayan ng Rebolusyong 1896. Para sa mga kabataang artistant nagtatapos ngayong umaga, ang hamon ni Gatmaitan ay maiaangkop natin sa kasalukuyang panahon. Babaguhin natin ang huling taludtod ng kanyang tula upang ang “inspirasyong” hinihingi sa akin ng okasyong ito ay mabigyan ng kongkretong anyo:
Iyan ang pagsintang
Hindi makatkat sa puso ng tunay
Umibig sa kanyang tinubuang bayan. . .
Ibalik ang araw sa pinaglahuan!

*2005