Dear Isagani,
Sisimulan ko ng pagbati ang aking liham, tulad ng "magandang araw sa iyo" upang magkaron ng katiting na pormalidad. Kaya heto: Isang magandang araw sa iyo.
Isang magandang araw sa iyo mula sa kaibuturan ng aking puso. Isang magandang araw sa iyo, na sa katotohanang ang adhikain ay higit pa sa pormalidad. Maniwala ka, nais kong magkaron ka ng isang magandang araw kung saan lahat ng makakatas mo mula sa araw na ito ay iyong matatamasa. Nais kong magkaron ka ng isang magandang araw dahil ganoon na lamang ang hiling ng nanaba kong puso para kahit papaano'y tadhana na, o Diyos na Makapangyarihan, ang magsukli ng kasiyahang nadudulot mo sa akin.
Kumusta ka na? Binibigyan kita ng kaampatang panahon para pagmunihan ang iyong sarili at masabing... oo nga noh, nasan na ba ko ngayon? Tumugon ka na rin kung nais mong ibahagi sa akin ang iyong naiisip. Kung wala ka sa mabuting kalagayan, at naisip mo iyon, sa iyong pagsagot ay maaari bang huwag mo na kong lokohin ng mga katagang "okey lang naman ako dito". Mas napapaisip ako, mas nagaalala ako kapag ganon.
Sisimulan ko na ang lahat ng nais kong ibahagi sa iyo. Huminga ka ng malalim at saka lumusong sa aking liham na parang magsiswimming sa balon ng aking mga naiisip. Unang una, pagpasensyahan mo na ang aking pagtatantsa sa mga salitang pinipili. Nais kong magkaron ng kahit paanong indayog ang aking mga salita para naman hindi kahiya-hiya pag nabasa mo, kahit pilit. Tulad ng sa lahat ng bagay, pilit ko lang namang pinagsasabayan ang sarili ko sa kakayahan mo kahit pagapang. Isa kang makata at pinipilit kong hindi mapahiya sa iyo. Isa iyon sa mga katangiang talagang hinangaan ko mangyari pa't iba na ang panahon, at tila wala nang puwang ang pagiging makata sa mundo. Sabi nga nila, pag makata, magaling mambola. Aminado akong biktima ng lahat ng pambobola mo, na parang lahat ng sinasabi mo ay dapat kong isapuso. Kahit hindi iyon ang iyong adhikain, sa maniwala ka't hindi, may puwang ka na sa aking puso na lagi kong pinapasakan para magmanhid, parang sa asong nagugutom na laging pinapakain para hindi maulol. Mabuti't napanindigan mong maging makata, at nais kong ipahatid sayo kung gaano ang iyong kapangyarihang magmanipula ng kaisipan, damdamin at kung ano pa man. Huwag mo sana itong sayangin.
Kung pagmamanipula na rin ang pag-uusapan, tingin ko ang pagiging inspirasyon ay isang uri ng manipulasyon. Lingid sa kaalaman ng marami, isang malaking impluwensya ang inspirasyon na di lang isipan ang nasasaklaw kundi pati na rin ang damdamin at minsan pa'y kaluluwa kung pinaniniwalaan. Isa kang inspirasyon para sa akin, kaya isipin mo nalang kung paano mo minamanipula ang aking buhay. Nais kong ipagduldulan sa iyo na mulat akong hindi ito ang iyong adhikain. Hindi mo ninais kailan man na ako'y maimpluwensyahan o mamanipula sa kahit anong paraan o magkaroon ng puwang sa aking puso, o kung ano pa mang kalokohan. Pinili ko iyon, ninais ko iyon at inaamin ko. Hindi mo kailangang maghugas-kamay sakali mang may mangyari sa akin at sa takbo ng aking buhay at pag-iisip. Kung nagtataka ka man sakali kung paanong manipulasyon mula sa iyo ang aking natatamasa, karamihan nito'y may kinalaman sa pagtuklas sa aking sarili. Ang simpleng simpleng katotohanang nabubuhay ang isang katulad mo na nagpapatakbo sa kanyang buhay na radikal at makabuluhan ay isa nang insipirasyon para sa akin, ngunit sa katotonan ding hindi ko mawari kung naunang ituring kong makabuluhan ang iyong buhay o nasilaw muna ako sa paghanga sa iyo. Kung alinman doon ang nauna, mabuti't gayon ang kaganapan at nang unti-unti ko nang nakikila ang aking sarili sa pamamagitan mo.
Sa pilit makipagsabayan sa iyo, sinikap kong palawakin ang aking mga kaalaman. At sa aking pagsisikap ay napagtanto ko ang sarap ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman. Nahalughog ko sa kaibutaran ng aking sarili ang kagustuhang mahasa ang talino hindi para sa ibang tao, para makaani ng paghanga't pagpupugay, kundi para sa sarili kong kapakanan at sa pagpapalagay ng aking loob. At sa pagnanais kong magkamit ng kaalaman sa mga bagay bagay, namulat ako sa tunay na pinatutunguhan ng mga kaalaman, at iyon ay ang mapaglingkuran ang Diyos, ang kapwa at ang sarili. Tulad mong tumatalima sa Diyos at sa karapatang pantao ng bawat nilalang, nilulunggati ko na rin ang kumilos nang may kahulugan, nang may maidudulot na pagbabago para sa ikabubuti ng karamihan- kawangis ng paglilingkod ngunit kalimita'y pansarili pa't hindi pa gaanong laganap. Isang malaking pagbabago ang aking dinaranas, isang pagbabagong mas nakabubuti at tulad ng iyong pamumuhay, ay mas makabuluhan. Tahasang pasalamat ang aking maisusukli sa ngayon, at kung bibigyan ng pagkakatao'y higit pa.
Nais kong malaman mong isinasama kita sa aking mga panalangin. Sa tingin ko'y malaking biyaya at pribilehiyo kung may nagdarasal para sa iyo, pawang isang uri ng anting-anting kung sa katutubong Pilipino maituturing. Para sa akin ang pag-aalay ng dasal ay isa sa pinakamakabuluhang maihahandog sa tao bilang pasasalamat. Bukod sa naghihiwatig itong ninanais kong mapabuti ka sa bawat oras, mas ipinahihiwatig nito kung gaano ka kahalaga para sa akin. Ipinauubaya ko sa Diyos ang lahat ng mga kaganapang higit na sa aking makakaya lalung-lalo na't ikaw ang kalimitang paksa. Malaya kang mag-isip tulad nating lahat na nilikha at ang iyong mga desisyon ay hindi ko maaaring baluktutin paano man. Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng kakayahang gumawa ng matatalinhagang desisyon. Sa bawat panahong natatanaw kitang suot ang iyong PMA fatigue, buong paghanga akong nagpapasalamat at walang atubiling pinagdarasal ang katuparan ng iyong mga pangarap. Hindi nawawaglit sa isipan kong marahil balang araw, magiging bayani ka o di kaya'y alagad ng sining na siya ko ring pangarap. Huwag mo sanang iwaksi ang iyong mga prinsipyong madalas kong sang-ayunan at ang pamumuhay mong makabuluhan para sa mga taong tulad kong masilayan la'y napupuno na ng pag-asa.
At bilang paglilikom sa lahat-lahat ng aking mga naipahiwatig, nais kong muling batiin ka ng isang magandang araw mula sa kaibuturan ng aking puso.
Humahanga't higit pa,
JPS
Sunday, September 7, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment